MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senator Bam Aquino ang pagbibigay ng P2,000 buwanang disability support allowance sa persons with disabilities (PWDs) upang makatulong sa kanilang gastusin para sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2386, o National Disability Support Act, makatatanggap ang mga kwalipikadong PWD ng buwanang allowance sa ilalim ng National Disability Support Allowance Program, na maaaring regular na i-adjust batay sa inflation upang mapanatili ang halaga nito sa paglipas ng panahon.
“Persons with disabilities face additional and often invisible expenses in their daily lives, including transportation, healthcare, personal assistance, and assistive devices. These are essential not only for survival, but for participation in school, work, and community life. When these expenses are not addressed, opportunities are limited, poverty is deepened, and exclusion persists,” wika ni Aquino.
“This allowance is designed to complement existing social protection programs and empower persons with disabilities to live more independently, pursue education and employment, and participate more actively in society,” dugtong pa niya.
Sa panukala, unti-unting ipatutupad ang Disability Support Allowance Program kung saan kabilang sa mga prayoridad na benepisyaryo sa unang tatlong taon ang mga batang may kapansanan at mga nasa hustong gulang na may malubhang kapansanan.
Sa susunod na tatlong taon, palalawakin ang saklaw upang maisama ang mga taong may katamtamang kapansanan na nagkakaroon ng mga karagdagang gastusing may kaugnayan sa kanilang kapansanan. Sa kalaunan, sasaklawin ng programa ang lahat ng kwalipikadong PWD na may dagdag na gastusin bunsod ng kanilang kapansanan.
“By strengthening income support, this measure helps ensure that persons with disabilities are not only supported, but empowered to live independently and participate fully in society,” giit ni Aquino.
Upang matiyak ang patas ang pagpapatupad, lilikha ng isang Disability and Needs Assessment System (DNAS), na tutukoy sa kwalipikasyon batay sa functional limitations, pangangailangan sa suporta, at mga hadlang sa pakikilahok ng isang indibidwal, sa halip na kita lang ang pagbatayan.
Itatatag din ang isang Disability Management Information System (DMIS) na iuugnay sa umiiral na national databases — kabilang ang National ID System, Philippine Persons with Disabilities Registry, PhilHealth, at community-based monitoring systems — upang mapahusay ang disability data, mapalakas ang paggawa ng mga polisiya, mapabilis ang paghahatid ng serbisyo, at mapadali ang direktang pagbabayad ng mga benepisyo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Itatalaga ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang tagapangasiwa ng programa, katuwang ang isang Multi-Stakeholder Committee na pamumunuan ng National Council on Disability Affairs (NCDA).
“In empowering persons with disabilities, we are not only addressing inequality, but also unlocking potential, strengthening communities, and building a more inclusive and equitable Philippines,” sabi pa ni Aquino. Ernie Reyes