MANILA, Philippines – Halos ₱2 milyon halaga ng puslit na puting sibuyas at pekeng sigarilyo ang nasamsam sa magkahiwalay na operasyon sa Quiapo, Maynila, ayon sa Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Miyerkoles.
Ayon kay PNP-HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, dalawang truck driver ang naaresto Martes matapos ma-flag down sa Carlos Palanca Street.
Nadiskubre ang humigit-kumulang 1,200 sako ng sibuyas na may markang “China,” nagkakahalaga ng ₱1.35 milyon. Isa sa mga driver ay walang lisensya at may dalang pekeng dokumento.
“’Yung kanyang mga dokumento na pinakita sa atin ay hindi tugma… mayroon siyang dala-dala din na mga undocumented na mga imported onions,” ayon kay Malang. Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga driver at mahaharap sa kaso sa ilalim ng Consumer Act.
Sa hiwalay na operasyon, inaresto rin ang isang vendor matapos mahuling nagkakarga ng pekeng sigarilyo sa van sa tapat ng Quinta Market. Nasamsam ang walong kahon na nagkakahalaga ng ₱600,000.
“Kung ito ay hindi dumaan sa tamang tax, kailangan mapanagot po sila… Let us be fair to legitimate workers and regulated companies,” dagdag ni Malang. Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang pinagmulan ng pekeng sigarilyo. RNT