MANILA, Philippines – Handa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kaso sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“I am ready,” ani Dela Rosa, matapos mabanggit ang kanyang pangalan sa pre-confirmation brief ng ICC. Bilang unang hepe ng PNP sa ilalim ni Duterte, siya ang nanguna sa kampanya kontra droga na nagresulta sa hindi bababa sa 6,000 patay, habang tinatayang 30,000 naman ayon sa mga human rights groups.
Sa kanyang privilege speech, tinuligsa ni Dela Rosa ang ginawang welfare check ng Philippine Embassy sa The Hague kay Duterte, na tinawag niyang “adding insult to injury.” Aniya, “Securing his well-being should have meant utmost respect… Not because he was the 16th President, but because he is a Filipino.”
Mariin ding tinutulan ni VP Sara Duterte ang welfare check at iginiit na pamilya nila ang mag-aalaga sa dating pangulo. Iginiit naman ng DFA na bahagi lamang ito ng tungkulin ng embahada na protektahan ang lahat ng Pilipino sa abroad.
Kabilang sina Sen. Bong Go at Rodante Marcoleta sa mga kumuwestiyon sa naturang checks, na pinagdududahan umano ang motibo.
Samantala, ipinagpaliban ng ICC ang confirmation hearing matapos igiit ng mga abogado ni Duterte na hindi na siya fit to stand trial dahil sa problema sa memorya. RNT