Home METRO P3.1M high grade marijuana buking sa BOC

P3.1M high grade marijuana buking sa BOC

MANILA, Philippines- Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagsilbing consignee ng nasa 1,900 gramo ng High-Grade Marijuana o “Kush” na may tinatayang halaga na P3.135 milyon nitong Lunes.

Ayon sa BOC, makaraang makatanggap sila ng impormasyon mula sa PDEA hinggil sa isang shipment na idineklara bilang “hooded sweatshirt” na dumating noong Mayo 9, 2024, ay agad na isinailalim sa x-ray scanning at K9 sniffing.

Dahil sa kahina-hinalang imahe na lumabas sa x-ray scanning, nagsagawa ng pisikal na pagsusuri na nagresulta sa pagkatuklas ng apat na supot ng mga tuyong dahon na hinihinalang High-Grade Marijuana o “Kush.” Ang nasabing mga pouch ay natagpuang nakatago sa mga naka-hood na sweatshirt.

Ang mga specimen sample ng mga tuyong dahon at mga namumunga ay kinuha at ibinigay sa PDEA para sa Chemical laboratory analysis, na kalaunan ay nagkumpirma na ang nasabing mga substance ay Marijuana na isang mapanganib na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu ni District Collector Erastus Sandino B. Austria laban sa nasabing kargamento dahil sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, at l (3 at 4) ng R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.

Agad na nagsagawa ng controlled delivery operation ang mga operatiba ng BOC-Clark at PDEA sa Antipolo, Rizal na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 23-anyos na lalaking claimant. Ang naarestong claimant ay ikinulong ng PDEA Region III para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng R.A. No. 9165. JAY Reyes