MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) na ang pagtaas ng bilang ng mga dayuhang estudyante sa Pilipinas ay dahil kilala ang bansa bilang isang quality education hub sa Asia.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, naobserbahan ng ahensya ang pagtaas ng bilang ng mga dayuhang nagtutungo sa Pilipinas upang mag-aral.
Aniya, tumaas ang bilang ng mga dayuhang mamamayan, partikular na ang mga Tsino, dahil kilala umanong sentro ng edukasyon sa Asya ang Pilipinas.
Idinagdag ni Sandoval na bahagi rin ito ng hakbang ng gobyerno na imbitahan ang mga estudyante na mag-aral sa bansa.
“There are efforts, really, by the national government in general to invite because China is the biggest source of students worldwide,” ayon kay Sandoval.
Batay sa naunang ulat, sinabi ng BI na nag-isyu ito ng higit sa 16,000 student visa sa mga Chinese national noong 2023.
Samantala, ilang opisyal ng gobyerno ang nagpahayag ng pagkabahala sa mga isyu sa seguridad na maaring idulot ng pagdagsa ng mga Chinese na estudyante sa bansa partikular sa Cagayan Valley.
Dahil dito, tumugon ang mga paaralan sa Cagayan Valley sa isang joint statement noong Abril na ang mga paratang na ito ay batay sa rasismo at Sinophobia. JAY Reyes