MANLA, Philippines- Sinusubaybayan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga pekeng ospital na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ito’y matapos na salakayin ng PAOCC ang isang ospital sa Hobbies of Asia Building sa kahabaan ng Macapagal Avenue sa Pasay City dahil sa ilegal na operasyon, walang lisensya at umano’y may kaugnayan sa POGOs.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na ang hindi lisensyadong Pasay hospital ay hindi lamang nag-iisang pekeng ospital na nasa radar ng PAOCC.
Ang hinala nila aniya, ang mga manggagawa sa POGO na sugatan at pinahihirapan ay dinadala sa mga napakahigpit na ospital para gamutin upang maiwasang matuklasan ng mga awtoridad.
“Meron kaming mga impormasyon na natatanggap na merong mga POGO workers na nato-torture, mga nakikita natin na barilan at saksakan ng foreign nationals, dito dinadala sa mga ospital na katulad nito,” ayon kay Casino.
“Ang tanong bakit? Sapagkat hindi na po sila hihingi sa inyo ng maraming documentation at identification. Hindi tulad sa Philippine hospitals na legal, talagang bubusisiin nila kung sino po kayo,” dagdag na wika nito.
Sa ngayon, mayroon silang impormasyon na isa sa mga may-ari ng sinalakay na ospital ay “unlicensed foreigners work” gaya rin ng mga doktor, nars at pharmacists.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan na sila sa Department of Justice (DOJ) para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo at kaso.
“Meron na ho kaming idea kung sino yung isa sa may ari nito, pero pinapahukay pa natin ng mas malalaiman kung sino pa ang kanilang mga kasama doon,” ayon kay Casio. Kris Jose