Home METRO 9 illegal recruiters kalaboso

9 illegal recruiters kalaboso

CEBU CITY- Arestado ang siyam na illegal recruiter sa isinagawang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI 7), noong Miyerkules sa lungsod na ito.

Pinangunahan ni NBI-7 Agent Florante Gaoiran ang operasyon at unang nadakip ang target na si Alice Rondez, lider ng grupo, ng Barangay Santa Cruz, Balamban, Cebu; Cristina Arcilla ng Barangay San Isidro, Asturias, Cebu; Glenard Musngi ng Barangay Poblacion, Talisay City, Cebu; Leon Alegado ng Barangay Gun-ob, Lapu-Lapu City; Elisa Toñacao ng Barangay Basak, Mandaue City; Lemuel Ahito, Barangay Pusok, Lapu-Lapu; Levert Fuentes ng Borbon, Cebu; Librada Jumanguin ng Barangay Gun-ob, Lapu-Lapu; at Jocelyn Resaba ng Barangay Buanoy, Balamban.

Ayon kay Atty. Rennan Augustus Oliva, NBI-7 director, nagtungo sa kanilang tanggapan ang 40 aplikante na pinaasa ng mga suspek na magtatrabaho sa isang farm sa bansang Australia.

Ilang buwan na ang nakalipas ay wala man lamang nakaalis sa kanila kahit isa.

Sinabi Oliva na target ng mga suspek ang mga magsasaka lalo na ang mga pursigidong makaalis ng bansa katumbas ng P2,000 sweldo kada oras.

Dagdag pa ni Oliva, ang ilan sa mga modus ng mga suspek ay kailangang makumpleto ng mga aplikante ang kanilang mga papeles at kailangang magbayad ng P100-P200 entrance fee; P1,500 seminar fee; P500 sa vlogging fee, at P500 para sa T-shirt.

Sa pahayag ng isang aplikante na si Leonardo Sedurifa, taga Lapu-Lapu City, pinaharap siya sa camera at pinabasa ng script na sinulat sa kartolina at sinabing ipadadala ang video sa kanyang employer sa Australia.

Nalaman ng mga biktima na magsasagawa ng seminar ang mga suspek sa iba’t ibang lugar sa Cebu noong Linggo at agad na inilatag ang operasyon laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.

Nahaharap ngayon sa kasong Sec. 6 RA 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 as amended by RA 10022 illegal recruitment in large scale and syndicated ang mga suspek at walang piyansa. Mary Anne Sapico