MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa mahigit P3 bilyon halaga ng iba’t-ibang brand ng mga sigarilyo at mga sangkap o raw materials sa paggawa ng tabako ang nadiskubre ng mg atauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Surigao matapos magsagawa ng malawakang inspeksyon sa isang container yard sa Agusan del Norte noong Mayo 8, 2026.
Batay sa ulat ng BOC, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Letter of Authority (LOA) na inilabas ni Ariel F. Nepomuceno at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa paunang inspeksyon, 52 container vans ang naglalaman ng iba’t ibang brand ng sigarilyo kabilang ang Red at Menthol Modern, Red at Menthol Carnival, Nise Baisha, Commando, Gold H&P, Delta, GJB-FH, BR Centro, Centro, Bossku, at TS Cigarettes.
Samantala, dalawa namang container vans ang natuklasang may kargang mga kahon ng mga raw materials sa paggawa ng tabako.
Sa kabuuan, umabot sa 54 container vans ang siniyasat ng mga awtoridad na may tinatayang kabuuang halaga na ₱3.3 bilyon.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno ang patuloy na kampanya ng ahensya laban sa iligal na kalakalan at pagpapatibay ng customs enforcement operations.
Aniya, patuloy nilang hahabulin ang mga iligal na shipment ng tobacco products at titiyaking lahat ng inaangkat na produkto sa bansa ay maayos na naidedeklara at sumusunod sa umiiral na customs laws.
Napansin din umano ng mga awtoridad na posibleng mula sa ibang bansa ang mga shipment batay sa mga container numbers na nakita sa mga van.
Sa isinagawang beripikasyon, sinabi ng mga kinatawan ng kumpanya na naabisuhan umano ang mga shipping lines at consignees kaugnay sa shipment, subalit nabigo silang magpakita ng katibayan ng pagbabayad ng buwis at customs duties, import permits, at iba pang shipping documents.
Upang mapanatili ang integridad ng mga shipment, agad na nilagyan ng padlock ng implementing team ang lahat ng 54 container vans.
Sa kasalukuyan ay mahigpit na binabantayan ng Customs Police ng Enforcement and Security Service (ESS) District Office ng Port of Surigao ang lugar sa loob ng 24 oras katuwang ang PNP.
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang inventory, examination, at verification proceedings upang matukoy ang eksaktong dami ng mga produkto, kabuuang halaga nito, at posibleng paglabag sa umiiral na batas kaugnay ng shipment.
Ayon sa BOC, patunay ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng ahensya para sa border protection at pagsiguro na lahat ng imported goods na pumapasok sa bansa ay sumusunod sa customs laws, rules, at regulations. JAY Reyes