LUCENA CITY- Naharang ng mga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents nitong Miyerkules ang mahigit P3.4 milyong halaga ng shabu (crystal meth) na dadalhin sa Oriental Mindoro sa isang buy-bust operation sa Batangas City.
Batay sa inisyal na ulat nitong Huwebes mula sa Region 4A police, naaresto umano ng mga operatiba ng PDEA-Region 4A ang isang nagngangalang “Grace,” 37, bandang alas-4 ng hapon sa Batangas City port sa Barangay Sta. Clara.
Nabuking sa suspek ang limang plastic na naglalaman ng shabu at may timbang na 500 gramong nagkakahalaga ng P3,450,000.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang motorsiklong pinaghihinalaang ginamit ng suspek sa kanyang illegal drug trade at isang mobile phone, na isasailalim sa digital forensic examinations para sa tala ng drug transactions.
Inihayag ng isang PDEA agent na nakabase sa regional office nitong Huwebes, na ang suspek, taga-Naujan sa Oriental Mindoro, ay patungo sa isla nang madakip.
Tinutunton na ng ahenya ang pinagmulan ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nakaditene ang naarestong suspek at nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA