Home HOME BANNER STORY P3.7M halaga ng pinsala naitala sa sunog sa Sta. Cruz, Maynila

P3.7M halaga ng pinsala naitala sa sunog sa Sta. Cruz, Maynila

MANILA, Philippines – Umabot sa P3.7 milyon ang halaga ng pinsala sa malawakang sunog na tumama sa residential area sa Sta. Cruz, Maynila nitong Biyernes ng hapon, Abril 5.

Ayon sa ulat, sumiklab ang sunog sa Tomas Mapua corner Lope de Vega na nagdulot ng zero visibility habang limang residente ang nakaranas ng minor health complications.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy ang mga bahay na sinabayan pa ng malakas na hangin.

Walang naisalbang gamit ang mga apektadong residente.

Itinaas sa unang alarma ng Bureau of Fire Protection ang sunog bandang 3:22 ng hapon at kalaunan ay itinaas sa ikalawang alarma.

Kinailangan pang suspendihin ang pasok sa kalapit na paaralan dahil sa zero-visibility na sa lugar.

Idineklarang fire under control ang sunog 5:30 ng hapon at naapula alas-6 ng gabi.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at inaalam ang eksaktong bilang ng mga residenteng naapektuhan dito. RNT/JGC