MANILA, Philippines – PINAG-AARALAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na taasan ang P3,000 monthly food credits na ipinagkakaloob sa mga benepisaryo ng Walang Gutom Program (WGP) bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng departamento na labanan ang pagkagutom at food insecurity sa bansa.
Sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) sa Malakanyang, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita rin ng departamento na kasalukuyang ina- assess ng DSWD ang implementasyon ng WGP para madetermina kung ang halaga at dalas ng food credit top-ups ay nananatiling sapat para sa mga benepisaryong pamilya.
“Mayroon po tayong partners na nagsasagawa hinggil doon sa amount na tinatanggap ng beneficiaries and the frequency of availment ng food credits na tinatanggap nila. Isa yun sa tinitingnan kung akma pa ba yung halaga na tinatanggap nila para ma-address yung gap sa pamilya,” ang sinabi ni Dumlao.
Ang WGP, nagsisilbi bilang flagship ng anti-hunger program ng gobyerno ay kasalulukuyang pinakikinabangan ng 300,000 food-poor households sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ani Asst. Secretary Dumlao, target ng departamento na tulungan ang 750,000 food-poor families sa 2027, naka-angkla sa pananaw ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr na makamit ang hunger-free Philippines bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
“Sa Walang Gutom, we started kasi in 2023 na nasa mahigit 1,000 yung mga beneficiaries. The following year, nag-expand tayo to 150,000 and ngayon, nasa 300,000 household beneficiaries na yung ating nase-serve. So ibig sabihin po, talagang malaki na yung nai-aambang ng atin pong ahensiya sa paglutas po ng problema ng kagutuman and malnutrition,” ang sinabi ni Dumlao.
Tinitingnan din ng DSWD ang pagpapalawak sa Walang Gutom Kitchen, ang pinakabagong inobasyon sa ilalim ng liderato ni Secretary Gatchalian na karagdagan sa WGP at iba pang anti-hunger initiatives ng gobyerno.
“We are expecting na ma-finalize po iyan itong buwan ng Abril, kung ano pa ‘yong karagdagang mga rekomendasyon yung ating ikokonsider sa scale up ng Walang Gutom Kitchen,” ang pahayag ni Dumlao.
Sa pagpapatuloy ng assessment, muling pinagtibay ni Dumlao ang commitment ng DSWD na palakasin ang social protection programs at tiyakin ang kapakanan at kagalingan ng mga ‘vulnerable family’ sa iba’t ibang panig ng bansa. Kris Jose