BENGUET, Philippines – Mahigit P300 milyon halaga ng marijuana ang nasamsam sa Cordillera mula Enero 1 hanggang Pebrero 18, 2026, ayon sa Police Regional Office-Cordillera (PRO-CAR).
Kasama sa nakumpiska ang higit 1 milyong gramo ng dried marijuana leaves, 1.2 milyong halaman ng marijuana, at higit 35,000 seedlings.
Ipinahayag ni PRO-CAR director PBGen. Ericson Dilag na malaking tulong ang “SQUADRONE” o Smart Quadrotor Unit, isang drone system na ginamit sa surveillance, detection, at monitoring sa matarik at liblib na lugar ng Cordillera.
“Mas madali ngayon dahil may drones tayo,” sabi ni Dilag. Dagdag pa niya, nakatulong ang teknolohiya upang masubaybayan ang cultivation at transport ng marijuana sa mahihirap puntahan na kabundukan at gubat.
Kasabay nito, binibigyang-diin ng awtoridad ang pangangailangan ng alternatibong kabuhayan para sa mga lokal upang hindi sila mapilitang magtanim ng ilegal na marijuana.
Bagama’t posibleng may mga syndicates at financiers, karamihan ng nahuli ay sangkot sa pagtatanim at transportasyon ng marijuana. Ang presyo sa kalye ay P10,000 kada kilo mula sa farm at umaabot ng P25,000 kapag binebenta commercially.
Ipinapaigting rin ng pulisya ang monitoring sa mga tri-boundary areas at posibleng ruta patungong kalapit na probinsya upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga. RNT/MND