MANILA, Philippines – Nagsumite ang Commission on Audit (COA) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng apat na karagdagang fraud audit reports (FARs) na naglalantad ng mahigit P309 milyong halaga ng iregularidad sa flood control projects sa Bulacan.
Lumitaw sa FARs ang mga kaso ng mismatched sites at ghost projects na nagdulot ng malaking pagkalugi sa pondo ng pamahalaan.
Ayon sa COA noong Biyernes, ang mga proyektong sakop ng audit ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan 1st District Engineering Office at iginawad sa tatlong kontratista na kinabibilangan ng SYMS Construction Trading, ang joint venture ng L.R. Tiqui Builders Inc. at M3 Konstract Corporation, at Darcy & Anna Builders & Trading.
Kabilang sa mga kinuwestyong proyekto ang flood control structure sa Brgy. San Juan, Balagtas na nagkakahalaga ng P46.3 milyon. Sa inspeksyon ng COA, walang istrukturang itinayo sa tamang lugar, at ang ipinakitang lokasyon ng DPWH ay nagtataglay ng mahihinang klase ng materyales. Sa Brgy. Perez, Bulakan naman, natukoy ang isa pang proyekto na nagkakahalaga ng P92.5 milyon na idineklarang tapos ngunit wala ring anumang bakas ng konstruksyon.
Sa Brgy. Piel, Baliuag, natuklasan ng COA na may umiiral nang flood control structure bago pa man pormal na ipatupad ang kontratang nagkakahalaga ng P96.4 milyon. Samantala, sa Brgy. Carillo, Hagonoy, hindi rin natagpuan ang P74.1 milyong proyekto na nakatakdang matapos pa noong 2024.
Pinangalanan ng COA ang mga sangkot na opisyal ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office na sina District Engineer Henry C. Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Planning and Design Chief Ernesto C. Galang, Engineers Jolo Mari V. Tayao, Lemuel Ephraim SD. Roque, Jaypee D. Mendoza, John Michael Ramos, at Accountant Juanito C. Mendoza. Kabilang naman sa mga dawit na kontratista sina Sally N. Santos ng SYMS Construction Trading, Luisito R. Tiquia ng L.R. Tiqui Builders Inc.–M3 Konstract Corporation joint venture, at Darcy Kimel D. Respicio ng Darcy & Anna Builders & Trading.
Maaari silang maharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Revised Penal Code, at Government Procurement Reform Act.
Binigyang-diin ng COA na ang mga bagong natuklasang anomalya ay bahagi ng mas malawak na pagsusuri sa flood control projects ng DPWH sa probinsya. Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba at sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas mahigpit na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan. RNT