MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga awtoridad ang mahigit P30 milyong halaga ng marijuana sa dalawang balikbayan box na ipinadala mula Ontario, Canada.
Sa ulat, nadiskubre ng drug-sniffing dogs mula sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) ang mahigit 20,000 gramo ng kush na itinago sa loob ng mga kahon.
Ang kargamento na dumating ngayong Disyembre, ay hinarang ng forwarding company dahil sa malakas na amoy na nagmumula sa mga package.
“May red flag yung bagahe na na-receive nila at unclaimed,” ayon kay PDEG Director Police Brigadier General Eleazar Matta.
Naniniwala ang mga awtoridad na sinamantala ng sender ang Christmas rush para makapagpuslit ng illegal na droga sa bansa.
“Medyo nahihirapan na rin yung local market ng kush, or cannabis or marijuana kasi mahigpit talaga ang kapulisan natin sa Cordillera Region, kaya nago-outsource sila coming from other countries na madali pong ipasok, especially sa countries na legalized o decriminalized na yung use of cannabis o kush,” ani Matta.
Ang mga kahon ay naka-address sa hindi tinukoy na recipient mula Bulacan.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PDEG sa insidente. RNT/JGC