MANILA, Philippines – NASA mahigit P323 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang sinira ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga sa isang bodega sa Barangay Tetuan, Zamboanga City.
Ayon sa BOC, umabot sa 5,624 master cases at 1,171 reams ng mga nasamsam na ismagel na sigarilyo sa magkahiwalay na maritime patrol operations at customs checkpoints sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, mula Mayo hanggang Nobyembre 2023.
Nabatid sa BOC na layon ng kanilang isinagawang pangungumpiska at pagsira sa mga nasabing kontrabando ay batay sa tagubilin ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio hinggil sa tuloy-tuloy na paglaban sa ipinagbabawal na kalakalan ng tabako sa bansa at makipagtulungan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang higit pang palakasin ang kampanya kontra smuggling.
Ang mga sigarilyo ay binuhusan ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, pagkatapos ay dinurog ng mga kagamitan sa payloader, at itinapon sa sanitary landfill sa Brgy. Salaan.
“The Bureau of Customs will be persistent in its relentless efforts in stopping the proliferation of unlawfully imported tobacco products in the country and safeguard the nation’s interests against smugglers”, ani Rubio. JAY Reyes