INATASAN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang Manila Police District (MPD) na paigtingin nila ang “police visibility” sa mga matataong lugar ngayong panahon ng Kapaskuhan gayundin ang pagdaragdag ng mga parking space sa ilang mga lugar sa Maynila upang may maparadahan ang mga mamimili.
“Ang tagubilin ko sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila Police District (MPD), sana diretso lang ang traffic sa Maynila dahil ito ang dinadayo ng mga tao para mamili ng mga Pamasko,” ani Myor Honey sa ginanap na media forum nitong Huwebes sa Universidad de Manila (UDM).
Ang nasabing direktiba ng alkalde ay layon na matiyak ang ligtas na pagdiriwang ng kapaskuhan para sa mga residente at para sa mga nagnanais na bumisita sa mga sikat na shopping district ng lungsod, kabilang ang Quiapo, Blumentritt, Avenida, at Divisoria.
Aniya, dapat mas lalo pang paigtingin ang mga hakbang sa seguridad sa iba pang mga pamilihan at shopping mall sa lungsod. nilinaw naman ng alkalde na maniningil din ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng MTPB ang mga motorista ng P50 na parking fee o depende sa laki ng kanilang sasakyan na ipaparada.
Kaugnay nito, sinimulan na ng lokal na pamahalaang lungsod ang labindalawang araw na pamamahagi ng Christmas boxes sa 695,000 pamilyang Manilenyo sa anim na distrito ng Maynila.
Ang nasabing mga Christmas box ay naglalaman ng Spaghetti noodle, Spaghetti sauce, fruit cocktail, 3 kilo ng bigas, keso, isang lata ng crema condensada at limang lata ng corned beef.
Bukod sa pamamahagi ng Christmas box, sisimulan na din na ipamahagi ang monthly allowance ng mga senior citizen, solo parent, at person with disabilities (PWDs) sa ikalawang linggo ng buwan ng Disyembre. Maging ang pamamahagi ng regalo ng lokal na pamahalaan para sa mga nakatatanda sa Maynila ay ipamamahagi na din sa ikalawang linggo ng Disyembre.
May ilan ding kasiyahan ang maaaring puntahan ang publiko partikular na ang mga Manilenyo tulad na lamang ang libreng konsyerto sa Kartilya ng Katipunan na malapit lamang sa Manila City Hall na sisimulan ngayong Biyernes, Dis. 1, gayundin ang pagbubukas ng “Paskuhan sa Mehan” sa Dis. 11 na tatagal hanggang Enero 1, 2024 kung saan maaaring makapamili ng mga mura at may kalidad na gamit ang mga Manilenyo upang ipanregalo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa darating na Disyembre 15 ay sisimulan na din ang anticipated simbang gabi mass sa Kartilya. JAY Reyes