MANILA, Philippines — Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) ang umano’y mga anomalya sa apat na flood control projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng mahigit P325 milyon, matapos madiskubre ng mga state auditor ang mga proyektong wala umano sa aktuwal na lokasyon, iligal na inilipat, o binayaran kahit dati nang umiiral.
Sa ulat na may petsang Enero 16 at inilabas nitong Martes, sinabi ng COA na naghain ito ng apat na Fraud Audit Reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) laban sa mga proyektong ipinatupad ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na kinontrata sa Wawao Builders at Darcy and Anna Builders & Trading.
Batay sa pisikal na inspeksiyon, drone footage, geotagged photos, at historical satellite images, natukoy ng COA na may mga flood control structure na hindi matagpuan sa aprubadong lugar, nailipat nang walang pahintulot, o umiiral na bago pa man pumasok ang kontrata.
Binatikos din ng COA ang kakulangan sa mahahalagang dokumento tulad ng as-built plans, detalyadong cost estimates, geotechnical reports, at kumpletong accomplishment reports.
Kabilang sa mga kuwestiyonadong proyekto ang:
• P96.49M riverbank protection sa Brgy. Santa Cruz, Guiguinto – hindi itinayo sa aprubadong lugar at pinaniniwalaang inilipat nang walang awtorisasyon
• P77.19M proyekto sa Brgy. Iba-Ibayo, Hagonoy – walang natagpuang istruktura sa site kahit idineklarang tapos na; ang tinukoy na proyekto ay halos 700 metro ang layo
• P77.19M proyekto sa Brgy. San Jose, Calumpit – may kalituhan sa lokasyon at sukat, at may markang konektado umano sa ibang kontrata
• P74.12M proyekto sa Brgy. Babatnin, Malolos City – walang istruktura sa aprubadong lugar at lumalabas na itinayo halos isang taon bago ang kontrata
Tinukoy ng COA ang ilang opisyal ng DPWH at kinatawan ng mga kontratista na posibleng managot sa mga iregularidad.
Babala ng komisyon, maaaring humarap ang mga sangkot sa kasong graft and corruption, malversation of public funds, falsification of documents, at paglabag sa procurement at auditing rules. RNT/JGC