Home METRO P334K kush isinilid sa kahon ng gatas sa QC

P334K kush isinilid sa kahon ng gatas sa QC

MANILA, Philippines – Tiklo ang 26-anyos na lalaki matapos mahulihan ng high-grade marijuana o kush sa Brgy. Immaculate Conception Quezon City.

Ang kush ay itinago sa kahon ng gatas.

Ayon sa mga awtoridad, aabot sa 223 gramo ng kush ang itinago sa kahon na nagkakahalaga ng P334,500.

Nabisto ang illegal na droga nang may isang motorcycle rider ang naghatid ng isang kahon sa isang fast food restaurant.

Nagtaka umano ang manager dahil wala naman silang inaasahang delivery.

“Natapat naman na sa manager niya iniwan at sinabing “ma’am iiwan ko ito mayroon po tatawag sa inyo na kukuha” parang ganon ang nangyari. Bago pa man makapagsalita yung manager dali dali umalis yung delivery boy na yon,” pahayag ni Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, hepe ng Kamuning Police Station, sa panayam ng GMA News.

Dahil sa pagdududa ng manager ay binuksan nila ang kahon at doon na tumambad ang mga gramo ng kush.

“Sakto naman pagdating ng pulis ayun nga po may tumawag sa hotline nung ating fast food chain. Pagkatawag sinabihan nung isang naka-receive ng call na mayroon daw po dinala rito na box nagkamali raw po ng address yung may-ari papunta na rito para kunin yung box,” ayon kay Lt. Col. Dela Cruz.

Dumating ang suspek sa restaurant para kunin ang kahon at nang maiabot na ay dito na siya inaresto ng pulisya.

Nasa kustodiya ng Kamuning Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC