SOUTH KOREA – Nagsimula na ang lamay sa 179 biktima na nasawi sa pagbagsak ng eroplano ng Jeju Air sa Muan International Airport, South Jeolla Province, South Korea.
Ito ay matapos na makumpleto na ng mga awtoridad ang
identification process sa lahat ng mga biktima.
Sa katunayan, naisagawa na ang pinal na bahagi ng funeral para sa isa sa mga biktima nitong Huwebes ng umaga, Enero 2.
Ito ang kauna-unahang funeral na nakumpleto, habang nagpapatuloy naman ang lamay sa iba pang mga biktima.
Hanggang nitong Huwebes ng umaga, isinasagawa ang funeral ng siym na mga biktima.
Kahahatid lamang sa kani-kanilang pamilya ang katawan ng 21 iba pang biktima.
Inaasahan na maipapadala naman sa mga pamilya ngayong araw ng Biyernes, Enero 3, ang katawan ng 60 iba pa.
May desisyon naman ang pamilya ng mga biktima kung nais nilang isagawa ang lamay ng hiwalay sa inilagay naman na joint funeral.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan ng South Korea sa sanhi ng insidente.
Matatandaan na sumadsad sa runway ng Muan International Airport ang Jeju Air flight 7C 2216 at sumalpok sa pader sa dulo ng runway. RNT/JGC