Home HOME BANNER STORY P35 wage hike sa NCR private sector workers, aprubado na ng wage...

P35 wage hike sa NCR private sector workers, aprubado na ng wage board

MANILA, Philippines – MAKARARAMDAM ng bahagyang kaginhawaan ang minimum wage earners sa Metro Manila mula sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo matapos na aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region (RTWPB-NCR) ang P35 na umento sa kanilang arawang sahod.

Sa isang social media post, araw ng Lunes, Hulyo 1 ay sinabi ng RTWPB-NCR na ang Wage Order No. NCR-25 ay nilagdaan noong Hunyo 27 at inilathala ngayong araw ng Lunes, Hulyo 1.

Ang kautusan ay magiging epektibo, 15 araw matapos itong ilathala.

Sa oras na maging epektibo na ito, ang daily minimum pay para sa non-agriculture workers ay itinakda sa P645 mula sa kasalukuyang P610.

Sa kabilang dako, ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa agrikultura (plantation at non-plantation), service/retail establishments na mayroong 15 manggagawa o mas mababa at manufacturing establishments na regular na nagpapatrabaho ng mas mababa sa 10 manggagawa, ay magkakaroon ng umento at magiging P608 mula sa kasalukuyang P573.

“The minimum wage rates prescribed under this Order shall be for the normal working hours which shall not exceed eight (8) hours of work a day,” ayon sa board.

Bago pa ang nangyaring pag-apruba sa salary increase, tatlong petisyon ang inihain sa Board, humihiling ng wage adjustments mula P597 ay magiging P750, petisyon mula sa Unity for Wage Increase Now, St. Lukes Medical Center Employees’ Association, The Medical City Employees’ Association, St. Luke’s Medical Center Global City Employees’ Union Independent, Manila Doctors Hospital Employees’ Association at Pasig Labor Alliance for Democracy and Development.

Nagsagawa naman ang RTWPB-NCR ng tatlong konsultasyon/ public hearings kasama ang labor and management noong Mayo 23, Hunyo 4 at Hunyo 20 sa Quezon City.

Ang huling last wage hike order sa NCR ay inaprubahan noong Hulyo 16, 2023, nagtatakda ng P40 increase. Kris Jose