MANILA, Philippines – Magsisimula nang magbenta ang National Food Authority (NFA) ng bigas sa mga local government unit sa halagang P36 kada kilo simula Pebrero 2025, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Laurel, ang pagpapalabas ng NFA rice ay ginawa alinsunod sa resolusyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) na humihimok sa Department of Agriculture (DA) na magdeklara ng food security emergency dahil sa “extraordinary increase” ng presyo ng bigas.
“Magsisimula na ang NFA sa pagbebenta ng bigas sa mga LGU, sana sa Pebrero sa presyong P36 kada kilo. Ang pag-asa natin ay maibenta ito ng mga LGU at sana ay hindi lumabag sa P38 na price ceiling,” sabi ni Laurel sa pulong ng Metro Manila Council.
Kaugnay nito, binanggit din ng DA secretary na ang price ceiling at ang suggested retail price ng NFA rice ay itatakda sa P35 kada kilo sa Marso.
“Sa Marso, ibaba natin sa 33 piso kada kilo sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa buong bansa,” dagdag ni Laurel.
Tiniyak ni Laurel sa publiko ang sapat na suplay ng NFA rice.
“So far, [ito ay] sustainable all year round kasi as of the moment, ang NFA ay may 300,000 tons of stock na ilalabas natin,” ayon pa sa opisyal.
Sinabi rin ng agriculture chief na hindi tumatanda ang stock ng NFA rice, idinagdag na ang bigas ay garantisadong de-kalidad, well-maintained, at kaakit-akit sa paningin. (Santi Celario)