NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P38.8 milyon halaga ng pinatuyong marijuana sa Manila International Container Port.
Ayon sa BOC, ang nasabing kontrabando ay nadiskubre sa isang container van, na idineklara na naglalaman ng plastic tableware, kitchenware, kumot, sapatos ng lalaki at iba pa.
Nabatid na nagmula ang nasabing kargamento sa Thailand at inilagay sa Philippians 4:19 Export and Import Gen. Mdse. kung saan isinailalim sa x-ray scanning at K-9 sniffing hanggang sa pisikal na eksaminasyon na nagresulta sa pagkakadiskubre sa 78 kahon ng hinihinalang pinatuyong marijuana.
Naganap ang pagkakasamsam matapos makatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na ang isang shipment noong Mayo 10 ay naglalaman ng ilegal na droga at humiling ng 100 porsiyentong physical examination.
Matapos ang inspeksyon, ibinalik ang mga hinihinalang gamit sa container van kung saan sinelyuhan at ikinandado ito para sa safekeeping. Jay Reyes