MANILA, Philippines – Higit P39 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo at mga pinatuyong tabako ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) na patungo sana sa Maynila, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na kalakalan ng tobacco products.
Batay sa natanggap na intelligence report, agad kumilos ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) at nakipag-ugnayan sa mga port authorities at shipping lines upang tutukan ang anim na container vans na nagmula sa Zamboanga at Bacolod. Isinailalim ang mga ito sa 100% physical inspection sa Sub-Port of North Harbor sa presensya ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa isinagawang inspeksyon, tumambad ang iba’t ibang brand ng sigarilyo at daan-daang sako ng pinatuyong tabako na itinago sa loob ng mga container. Nadiskubre dinna mali ang deklarasyon sa mga laman ng mga nasabing shipment bilang tuyong isda at general merchandise upang makalusot sa awtoridad.
Kabilang sa mga nasamsam ang mga sigarilyong Platinum, Lasa, King Philip, H&P Red Premium, Cannon Menthol, at Modern Brand, bukod pa sa mga sako ng tabako na walang marka.
Nabatid sa BOC na wala din umano ang mga ito ng kinakailangang BIR tax stamps, graphic health warnings, at tamang labeling, dahilan upang umabot sa ₱39.3 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiskang kontrabando.
Dahil dito, naglabas ang BOC ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa mga shipment dahil sa paglabag sa Graphic Health Warnings Law, TRAIN Law, at sa Customs Modernization and Tariff Act.
Pinangunahan ang operasyon ng Intelligence Group ng BOC sa pamamagitan ng CIIS, katuwang ang Enforcement Group – ESS at Manila International Container Port, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard, Philippine Ports Authority, at iba pang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagpasok ng iligal na tobacco products sa merkado.
Sa isinagawang press briefing, pinuri ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang pagiging alerto ng mga operatiba at iginiit na mahalaga ang mahigpit na intelligence validation at masusing inspeksyon upang tuluyang masawata ang smuggling.
Ayon sa BOC, patunay ang pagkakasabat na ito sa pinalakas na intelligence operations at mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya laban sa mga smuggling syndicate. JAY Reyes