Home METRO P4.1M damo, bato nasamsam sa Cordillera

P4.1M damo, bato nasamsam sa Cordillera

BAGUIO CITY – Nasa P4.1 milyong halaga ng marijuana at hinihinalang shabu ang nakumpiska sa anti-illegal drugs operations ng Police Regional Office-Cordillera (PROCor) nitong weekend.

Arestado naman ang limang suspek sa nasabing mga operasyon.

Sinabi ni PROCor regional director Brig. Gen. David Peredo  na P3.314 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa magkahiwalay na operasyon sa Abra, Kalinga, at Baguio City noong Abril 19, habang P800,000 halaga ng fully grown marijuana plants ang winasak sa Tinglayan, Kalinga noong Abril 20.

Noong Abril 19, inaresto ng mga ahente ng pulisya ang isang 22-anyos na lalaki, na swak bilang high-value individual (HVI), at isang 18-anyos na lalaking estudyante matapos silang magbenta ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,440 sa isang poseur buyer.

Narekober sa kanilang possession ang isa pang 11.11 gramo ng iligal na droga.

Sa parehong araw, inaresto ng mga pulis ang dalawang lalaking suspek na may edad 35 at 47 na nagbebenta ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000 sa isang poseur buyer sa Barangay Irisan, Baguio City; at isang 38-anyos na babaeng suspek na nakuhanan ng 0.55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PHP3,740 sa Middle Quirino Hill.

Samantala, ang 16,000 piraso ng fully-grown marijuana plants na may halagang PHP3.2 milyon ay natuklasan at nasunog sa lalawigan ng Kalinga.

Ang isa pang operasyon ng pagtanggal noong Abril 20 sa Barangay Loccong, Tinglayan ay humantong sa pagkasira ng 4,000 piraso ng fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P800,000. RNT