ILOILO CITY – Ninakawan ng anim na armadong lalaki ang tatlong empleyado ng sikat na bottling company ng ₱3.1 milyon na cash at ₱1.5 milyon na tseke sa bangko sa Pilar, Capiz, nitong Enero 5.
Ayon kay Col. Albert Tapulao, hepe ng Capiz Police Provincial Office (CPPO), dalawang suspek ang naaresto sa isinagawang follow-up operation noong Enero 7. Patuloy ang paghahanap sa apat na natitirang suspek, kabilang ang isang dating pulis.
Hinarang ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktima sa Barangay Santa Fe, na nagpakilalang mga pulis bago sapilitang kinuha ang pera at mga tseke habang tinutukan ng baril.
Sinabi ni Tapulao na nakikipagtulungan sila sa Iloilo Provincial Police Office, dahil ang dating pulis ay naninirahan sa Iloilo at ang getaway vehicle ay narekober sa bayan ng Dingle.
Kinumpirma ni Police Capt. Merry Chris dela Cruz, hepe ng CPPO Public Information Office, na sasampahan ng kasong robbery ang mga suspek. RNT