HABANG nagkakagulo ang mga lider ng bansa sa pulitika, nagkakagulo naman ang mga mamamayan sa sobrang mahal ng mga bilihin, kasama ang bigas.
Ang isang piraso ng kamatis, P20 o katumbas ng kalahating kilo ng bigas na lokal o katlo ng presyo ng imported rice.
Ang talong, P200 kada kilo; sibuyas – P180 kada kilo; at carrots – P200.
Pawang katumbas ng limang kilong bigas bawat isa kung mananatiling P40 ang isang kilong bigas.
May rason naman ang abot-langit na presyo ng mga nasabing gulay.
Sa rami umano ng mga bagyo at bahang dumaan, nasira ang maraming gulayan.
At hindi ganoon kadali ang magtanim at magpabunga ng mga gulay.
Maging ang always ready na mga kamote at kangkong, hindi nagiging mabilis ang mag-ani sa mga ito dahil inaabot din ng buwan bago ka makaani ng kahit talbos.
Ang problema lang, baka hindi na gaanong bababa ang presyo ng mga gulay at kung bumaba man, hindi na katulad ng dati.
Dahil itinatapon naman ang mga sobra kung may over production at hindi pinoproseso na mag-ibang anyo para manatiling mabenta sa mga susunod na panahon.
Isa pa, napakamahal na ngayon ang mga langis, diesel man o gasolina, gayundin ang mga toll sa mga expressway at ipinapataong ang mga oil price hike at toll hike sa presyo ng mga gulay.
PALPAK SA BIGAS
Pinakaimportante sa lahat ng pagkaing Pinoy ang bigas.
Pero napakasasama ang mga balita ukol sa mga ito, maging ang imported rice na dapat sana ay nagkakaroon na ng pagmura.
Mismong mga taga-Department of Agriculture ang nagsasabi na dapat wala nang P60 kada kilong bigas, lalo na ang mga imported.
Ito’y dahil sa Executive Order No. 62 na ipinalabas ni Pangulong Bongbong Marcos na nangtapyas ng taripa o buwis sa importasyon mula 35 porsyento sa P15% na lang.
Pero buong katotohanan na mahal ang imported rice.
Kumikita na ang mga importer at mga trader sa bawas presyong importasyon, kumikita pa sila sa bentang mahal.
Itong Kadiwa store na lang ang nagpipilit na pamurahin ang bigas sa P40 kada kilo ngunit kakatiting naman ang benta ng mga ito.
Nag-ingay rin ang gobyerno sa mga iligal umano na bigas sa Bulacan pero biglang tumahimik.
Binigyan umano ng pagkakataon na magpaliwanag ang mga may malalaking bultong bigas.
Pagkatapos nito, ano na, ha?
MAY MGA NAGMAMANIOBRA
Ayon sa mga taga-Department of Agriculture, may mga nagmamaniobra umano kung bakit nananatiling mahal ang imported rice at hindi rin nito napababa ang presyo ng mga lokal na bigas sa bisa ng EO 62.
Nakapagtataka lang ang lumalabas na larawan dito na wala ni sinomang taga-DA ang nakakikilala ng kahit isang rice smuggler at rice trader na nagmamaniobra sa kalakalan sa bigas para laging mahal ang presyo rito.
Blangko ba talaga ang mga DA sa mga rice smuggler at rice cartel?
Maawa naman kayo sa taumbayan sa napakamamahal nang pagkain at sa pamahalaan na napagkakaitan ng tamang buwis.
Ang mga politiko at lider ng Pinas, anong ginagawa nila sa mga problemang ito?