Home OPINION PULOS PAGPAPAHIRAP SA TAUMBAYAN

PULOS PAGPAPAHIRAP SA TAUMBAYAN

MINAMALAS talaga tayong mga Pinoy ngayong 2025.

Dahil sa mataas na inflation, mataas ang mga gastusin at mga bilihin.

Maraming mga misis ang nagrereklamo sa taas ng presyo sa kanilang pamimili sa palengke sapagkat kapos din ang hatag o intergang sweldo ni mister.

Ang halaga nga ng kamatis ay napakamahal, mas matindi pa sa ginto ang presyo.

Mahal pa rin ang bigas, ‘pagkat ang pangakong P20 na atin daw mabibili kada kilo ay pangako pa rin.

Nagrereklamo ang mga pampublikong tsuper sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo.

Wala silang magawa kundi magpatuloy sa pamamasada kaysa mamatay sa gutom ang kanilang pamilya. Kapit sa patalim ang tawag d’yan.

Mag-rally sila sa Mendiola, bambo lang ang aabutin nila sa pulisya.

Ngayon naman ay magtataas ng singil ang Social Security System sa kontribusyon ng mga miyembro.

Mula sa singil na 12%, magiging 15% na ito ngayong taon.

Hindi natin alam kung ano ang ginagawa ng SSS sa pera ng taumbayan at ito ay nalulugi tapos ay muli na namang magtataas ng hinihinging kontribusyon ng mga kasapi.

Walang ibang sagot ang Palasyo ng Malakanyang kundi hayaan daw muna ang SSS sa ginagawa. Hayaan? Ginagago n’yo ba kami?!

Inaral naman daw ng SSS ang pagtataas na ito kaya hayaan daw natin. Mga birat kamo!

Lunod na lunod na ang mga Pilipino sa laki ng gastusin dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin tapos ay lalakihan pa ang kaltas sa kanilang sahod para paglaruan lang ng mga nasa SSS.

Pinag-aralan naman daw para palakihin ang pondo. E paano kung sumablay at nalugi? Kami na naman na mga miyembro ang magsasakripisyo!

Pulos na lang pagpapahirap sa mga tao ang naiisip ng gobyernong ito. Sila-sila lang ang nananagana.