Home NATIONWIDE P45M inilaan sa pansamantalang trabaho ng mga apektadong mangingisda sa Bataan oil...

P45M inilaan sa pansamantalang trabaho ng mga apektadong mangingisda sa Bataan oil spill

MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P45 milyong initial supplemental funds para sa alternatibong hanapbuhay ng 1,300 indibidwal na apektado ng oil spill sa Bataan.

Sa pahayag, sinabi ng DOLE na kabuuang 1,357 na mga apektadong mangingisda at residente ng tatlong distrito sa Bataan ang binigyan ng emergency employment sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program.

Ang TUPAD program ay nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa para sa 10 hanggang 90 araw ng community work, partikular na sa mga oras ng kalamidad, upang makatulong sa rehabilitasyon ng kani-kanilang mga komunidad.

Para sa TUPAD workers sa Bataan, inaatasan ang mga ito na mangolekta ng mga bunot ng niyog para gawing oil spill booms.

Tumutulong din ang mga ito sa cleanup operations matapos ang Bagyong Carina.

Nagpapatupad din ng kaparehong programa ang DOLE sa Bulacan, Pampanga, Tarlac, Cavite, Rizal at Laguna.

Matatandaan na lumubog sa dagat na sakop ng Limay, Bataan ang Philippine-flagged MTKR Terranova dala-dala ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel sa kasagsagan ng Habagat at Bagyong Carina.

Nagdulot ito ng oil spill at nasawi ang isang crew member nito.

Nitong Sabado, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na leak free na ang 12 sa 14 na valves ng MT Terranova.

Anim sa nalalabing 12 valves ang natakpan na itong Biyernes, habang nagpapatuloy naman ang paglalagay ng metal cappings sa mga nalalabing valve.

“We’re almost in time naman dito sa installation ng kanilang metal cappings and eventually after nito, we are hoping na matapos na rin nila ‘yong kanilang timeline, ‘yong specific action plan per day na dapat nilang gawin,” sinabi ni Coast Guard Station Bataan Commander Lieutenant Commander Michael John Encina.

“Kailangan muna nating selyuhan o takpan gamit itong metal cappings ang lahat ng balbula before nating simulan itong siphoning,” dagdag pa niya. RNT/JGC