MANILA, Philippines – INANUNSIYO ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na maglalabas ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng kabuuang ₱476.488 milyon na allowance para sa mga senior citizen, solo parent, at persons with disabilities (PWDs) mula Enero 28 hanggang 30, 2026.
Ginawa ni Domagoso ang anunsyo sa isang Facebook livestream noong Miyerkules ng hapon, kung saan ipinaliwanag nito na sasaklawin ng payout ngayong Enero ang mga naantalang allowance mula Setyembre hanggang Disyembre 2025 para sa mga solo parent at PWDs, at mula Oktubre hanggang Disyembre 2025 naman para sa mga senior citizen.
Sinabi ni Yorme na aabot sa 282,040 benepisyaryo—kabilang ang mga senior citizen, solo parent, adult PWDs, at PWD minors—ang inaasahang makatatanggap ng allowance sa loob ng tatlong araw na payout.
“Ibig sabihin po nito, mahigit ₱1.1 bilyon na po ang nailabas natin mula noong ibinalik tayo ng taumbayan sa pwesto noong Hunyo 30, 2025,” ani Domagoso.
Nabatid sa alkalde na ipapatupad ang payout schedule kada distrito: ang Districts 1 at 2 ay sa Enero 28; Districts 3 at 4 sa Enero 29; at Districts 5 at 6 sa Enero 30. Ang iskedyul na ito ay ipatutupad sa lahat ng grupo ng benepisyaryo.
Batay sa mga datos na inilahad sa anunsyo, 205,505 senior citizen ang tatanggap ng kabuuang ₱325.839 milyon, na sasaklaw sa allowance mula Oktubre hanggang Disyembre 2025.
Samantala, ang allowance para sa 16,673 solo parent ay aabot sa ₱33.346 milyon, habang 49,687 adult PWDs ang tatanggap ng ₱97.458 milyon—kapwa para sa panahon mula Setyembre hanggang Disyembre 2025.
Mayroon ding karagdagang ₱19.845 milyon na inilaan para sa 10,175 PWD minors, na nagdadala sa kabuuang payout para sa Enero 2026 sa ₱476.488 milyon.
Binanggit din ni Domagoso ang beripikasyon mula sa City Treasurer na mahigit ₱700.315 milyon na ang naipalabas na allowance at pensyon para sa mga senior citizen, PWDs, at solo parent mula Hulyo hanggang Disyembre 2025, kabilang na ang mga allowance na pinondohan ng lungsod at ang mga social pension mula sa pambansang pamahalaan na idinaan sa lungsod. JAY Reyes