SINABI ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na umabot sa P47.94 bilyon ang halaga ng narcotics ang nasamsam ng administrasyong Marcos laban sa droga, iniulat nitong Huwebes.
Sa pinakahuling ulat nito, sinabi ng PDEA na kabilang dito ang 6,231.13 kg. ng shabu, 74.72 kg. ng cocaine, 109,169 ecstasy tablets at 5,398.35 kg. ng marijuana na nasamsam mula Hulyo 2022 hanggang Agosto 31 ngayong taon.
Samantala, 29,032 sa 42,000 barangay sa bansa ang idineklarang “drug-cleared” sa parehong panahon habang 6,484 ang patuloy na nililinis ng mga awtoridad.
Ang mga barangay na ito ay umabot na sa drug-cleared status matapos ang pagpapalabas ng sertipikasyon ng mga miyembro ng oversight committee sa barangay drug-clearing program, dagdag pa nito.
Kaugnay nito sa pinakahuling datos ng PDEA, 110,814 drug suspects ang naaresto, kabilang ang 7,050 high-value targets (HVTs) sa buong bansa sa panahon ng 81,679 anti-illegal drug operations.
Binaklas din ng mga awtoridad ang 1,138 drug den at isang clandestine shabu laboratory sa parehong panahon.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22, nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang walang dugong anti-narcotics drive.
Sinabi niya na ang paglipol ay hindi kailanman bahagi ng kampanya laban sa droga ng kanyang administrasyon. (Santi Celario)