MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes ang pagdaraos ng mga plebisito, gayundin ang Special Sangguniang Kabataan Elections (SKSE) para sa natitirang bahagi ng 2024 hanggang sa susunod na taon.
Sa Comelec Resolution No. 11054, nagpasya ang Commission en banc na ipagpaliban ang mga naturang electoral exercises para tumuon sa pagdaraos ng tatlong electoral exercises sa 2025 — ang midterm elections at ang Bangsamoro parliamentary elections sa Mayo at ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre.
Tinatawag na ‘Super Election Year’ ang nalalapit na taong 2025 dahil tatlong halalan ang malapit nang maganap… pagkatapos ng 2025 NLE at 2025 BPE, ang Komisyon ay agad na magsisimula ng mga paghahanda para sa 2025 BSKE.
Iniutos ng pitong miyembro na Commission en banc ang pansamantalang pagsuspinde sa lahat ng plebisito at SKSE simula Setyembre 1, 2024 hanggang matapos ang Disyembre 1, 2025 BSKE.
Sinabi ng Comelec na nakatuon ang paghahanda nito para sa 2025 polls na kinabibilangan ng paglikha ng digital ballots; pagsasaayos ng mga balota at makina; at pagsasagawa ng mga tests para sa Full Automation System na may Transparency Audit/Count (FASTrAC) at Online Voting and Counting System (OVCS), bukod sa iba pa.
Noong Hunyo 2024, naglabas ang Comelec ng mga alituntunin para sa pagsasagawa ng SKSE, na kinakailangan sa mga barangay, kung saan ang bilang ng mga opisyal ng SK na nahalal ay mas mababa sa kinakailangang quorum; o kung saan walang nahalal na opisyal ng SK pagkatapos na walang naghain ng kinakailangang Certificate of Candidacy sa panahon ng BSKE 2023.
Samantala, ang pagdaraos ng mga plebisito sa Maguindanao del Norte; Presentacion, Camarines Sur; Cauyan, Negros Occidental; at ParaƱaque City ay kailangang maghintay hanggang matapos ang 2025. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)