MAILA, Philipines- Halos P4 milyong halaga ng High-Grade Marijuana o Kush at Assorted Cannabis Infused Disposable Vapes ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark makaraang mabuking na itinago ito sa loob ng parsela na idineklara bilang “Accessory” mula sa California, USA.
Ayon sa BOC, isinailalim sa pisikal na pagsusuri ang nasabing parsela makaraang makakita ng hindi pangkaraniwang imahe ang mga tauhan ng X-ray Inspection Project (XIP) gayundin ang pagpapahiwatig ng posibleng pagkakaroon ng ilegal na droga makaraang isagawa ang K9 sniffing.
Dahil dito, nabuking ng mga tauhan ng BOC ang nasa 2,132 gramo ng High-Grade Marijuana o Kush at 156 piraso ng Assorted Cannabis Infused Disposable Vapes na may kabuuang halaga na P3,979,929.
Itinurn-over sa PDEA ang mga nasabing kontrabando para sa chemical laboratory analysis na nagkumpirma ng pagkakaroon ng Marijuana, isang mapanganib na gamot sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu laban sa subject shipment para sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng R.A. No. 9165.
“This recent seizure is a testament to our dedicated efforts in combating drug trafficking and ensuring the safety of our communities. We will continue to intensify our operations and enhance our capabilities to thwart any attempts at smuggling illegal substances into the country,” giit ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio. JAY Reyes