City officials on a vaccination drive in Tacloban. Leyte. Philippines. July 28, 2014.
MANILA, Philippines- Nakapagtala ng 169 kaso ng human rabies ang Department of Health mula Enero hanggang Mayo na humigit-kumulang 13 porsyentong mas mataas kumpara sa 150 sa parehong panahon noong 2023.
Ang rehiyon ng Soccsksargen ay nag-ulat ng pinakamataas na bilang ng mga kaso sa 21. Sinundan ito ng Region 4-A (Calabarzon) at Bicol Region na may tig-18 kaso.
Sa mga naiulat na kaso, 156 o 92 porsyento ay may kasaysayan ng kagat ng aso, habang 10 o 6 na porsyento ng mga kaso ay may kasaysayan ng kagat ng pusa, at ang natitirang tatlong kaso ay nag-ulat ng kasaysayan ng kagat mula sa ibang mga hayop, sabi ng DOH.
“Sa 169 na naiulat na mga kaso, may kabuuang 160 na nasawi ang naiulat, na nagresulta sa isang case fatality rate na 94.67 porsiyento. Ang status ng natitirang siyam na kaso na naiulat ay patuloy pa ring biniberipika,” dagdag nito.
Ayon sa DOH, mahalaga ang pagbabakuna sa mga aso at pusa sa mga tatlong buwang gulang at bawat taon pagkatapos upang maiwasan ang sakit na rabies .
Pinoprotektahan nito ang mga hayop at makabuluhang binabawasan ang panganib na pagkakasapul ng mga tao.
Noong Abril, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nasa 22 milyong aso at pusa ang dapat mabakunahan para sa rabies sa bansa at nangangailangan ng budget na hindi bababa sa P110 milyon.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sinusuportahan ng DOH ang panawagan para sa mas maraming alokasyon ng badyet para sa malawakang programa ng pagbabakuna sa mga hayop.
Ang rabies ay isang impeksyon sa virus na maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng kagat ng hayop o kahit na mga gasgas, kadalasan sa pamamagitan ng mga aso at pusa.
Ayon pa sa DOH, hindi maiiwasan ang kamatayan na dulot ng rabies kapag nagsimula ang impeksyon, kaya naman hinihimok ang lahat ng may alagang hayop na maging responsable at pabakunahan ang kanilang mga ito laban sa rabies. Jocelyn Tabangcura-Domenden