MANILA, Philippines – Tinangay ng nagpakilalang taga-Bureau of Customs (BOC) ang P5.5 milyong pambayad sana sa binibiling sports car ng isang lalaki matapos itong palitan ng bundle ng papel sa Intramuros, Maynila.
Ayon kay MPD Director P/Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, pagsakay sa sasakyan ay hiniling umano ng suspek na bilangan muna ang pera sa harapan nila bago iproseso ang transaksyon at kung kumpleto ang naturang halaga bago irelease ang sports car mula sa Customs.
Matapos bilangin ang pera ay muling isinilid sa loob ng brown envelop ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay napalitan na pala ng bundle na papel ang kanyang pera na tinangay ng dalawa niyang kausap.
Naduda lamang ang biktima nang hindi na matawagan ang kanyang katransaksyon.
Agad namang nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District ang biktima para magreklamo.
Masigasig ang mga awtoridad na silipin ang mga CCTV footage para sa backtracking para matunton ang sasakyan na ginamit ng mga suspek.
Ayon kay Gen. Ibay, sinundan ang lahat na dinaanan nila kung saan ang isang babae at lalaki ng suspek ay nagkita pa sa Caloocan.
Dito naaresto ang 63 anyos na lalaki na siyang nagbilang at tumangay sa pera ng biktima.
Napag-alaman na ang suspek ay under probation dahil nagkaroon na ng warrant at nasentensyahan na ng illegal possession of treasury notes, matapos mahulihan ng ma pekeng pera, ayon kay Gen. Ibay base na rin sa isinasagawang pag-iimbestiga ng mga awtoridad.
Kasong syndicated estafa at theft ang kakaharapin ng suspek habang patuloy na hinahanap ang kasabwat na babae habang hindi pa naibabalik ang pera sa biktima dahil hindi pa ito narerekober. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)