MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang commuters’ group nitong Miyerkules, Enero 3, na posibleng umakyat sa P50 ang minimum fare sa modern jeepneys kasunod ng implementasyon ng public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sinabi ng PARA-Advocates for Inclusive Transport na ang modernisasyon ay nangangahulugan nang pasanin sa pananalapi ng mga operator at drayber.
“Meron tayong malaking cost ng modernization. Hindi lang ito yung unit, kasama rito yung garahe, fees sa paggagawa ng coop, pagha-hire ng mekaniko at marami pang iba,” pagbabahagi ni PARA-AIT Convenor Edrich Samonte sa panayam ng GMA News.
“Ang basis po natin sa pagtaas ng pamasahe dahil kailangan pong magbayad ng operator ng utang. ‘Yung driver po kailangang kumita ng sapat para may mapangkain,” dagdag ni Samonte.
Ang kasalukuyang minimum fare sa traditional jeepneys ay nasa P13 habang P15 sa modern jeepneys.
Sinabi pa ng grupo na posible ring makinabang sa mga prangkisa ng mga jeepney ang malalaking korporasyon.
“Tinitingnan natin ‘yung corporate, malalaking korporasyon mga kapitalista ang maaaring humawak ng ating jeeps. Magkakaroon po tayo ng incentive para mag profit basically. Mas malaki yung profit na hindi naman sila mag-i-invest for nothing,” dagdag niya.
Wala pang tugon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay nito.
Samantala, ilang transport groups na ang nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin ang PUVMP habang nireresolba pa ng Supreme Court ang mga petisyon para itigil ang implementasyon nito.
“Hintayin nyo na kaya muna kaysa kanselahin nyo ngayon. Eh, kung nanalo ang mga tsuper at commuter sa Korte Suprema, hindi nyo na mabalik ang nakalipas. Kasi nawalan na sila ng prangkisa, nawalan na sila ng pangkain for how many months,” sinabi ng abogadong si Neri Colmenares.
“Even the President should realize that the LTFRB practically did not implement the deadline in the sense na na-realize siguro ng LTFRB na medyo matindi ang dagok. Kahit 20% lang ibawas mo sa mga jeepney, pahirapan na,” dagdag pa niya.
Plano ng transport groups na maghain ng motion for status quo ante order laban sa modernization program.
Ang PUVMP, nagsimula noong 2017, ay layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyang may Euro 4-compliant engine upang mabawasan umano ang polusyon at palitan ang mga hindi roadworthy na PUVs.
Sa kabila nito, idinaraing na ang presyo ng bawat unit ay mahigit P2 milyon, halagang maging ang state-run banks na LandBank at Development Bank of the Philippines ay nagsabing masyadong mahal para sa PUV drivers at operators. RNT/JGC