Home OPINION ILANG ARAL SA LINDOL SA JAPAN

ILANG ARAL SA LINDOL SA JAPAN

MAGANDANG lingunin ang nagaganap sa Japan, partikular ang magnitude 7.6 lindol at nagaganap pang mga aftershock o hiwalay na mga lindol ngunit nagising makaraan?

Isa sa mga iniulat na naganap sa Noto region ang pagbitak ng lupa at umangat ng 1.3 metro ang isang bahagi ng nahating lupa.

Meron ding ganitong pangyayari sa bayan ng Anamizu na 1 metro ang itinaas ng isang bahagi at sa Suzu City, 80 sentimetro naman.

May pagbaba o pagtaas ng lupa makaraang magkabitak-bitak ang mga ito sa Nanao City, Toyama, Niigata at Kanto-Koshin.

PAANO KUNG MANGYARI SA PINAS?

Ang pagtaas o pagbagsak ng lupa makaraang mabitak ito, kung magaganap sa Pilipinas, ano kaya ang mangyayari?

Iniimadyin natin na kung maganap ito pagdating ng The Big One na Magnitude 7.2 sa Mega Manila, ano-ano ang mga gagawin?

Malaking perwisyo ‘yan dahil tiyak na idedeklara ng gobyerno na delikado ang mga nakatayo sa mga bitak o malapit sa mga ito.

May nagawa na ang gobyerno para maiwasan ang mga nagsulputang bitak sa West Valley Fault mula Norzagaray, Bulacan hanggang Cavite at Laguna at iyon ang pagbabawal na magtayo ang sinoman ng anomang gusali at may pinabakante na ring mga gusali at pinagbawalang tirahan ng tao.

Paano kung magkaroon ng mga sanga ang West Valley Fault at aabot ang bitak ng ilang kilometro at tatagos sa Manila Bay at sa Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan?

Ang laking perwisyo niyan sa mga may-ari ng mga gusali at kinakailangan ang mga panibagong bilyones na pisong puhunan.

Maapektuhan din ang mga pwesto ng mga hanapbuhay ng mga mamamayan, ang kanilang paninirahan, at maging ang mga nakatayong ospital at gusaling pamahalaan na naghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.

WALANG TUBIG, AYUDA NAGING MABAGAL

Naging mabagal ang ayuda sa mga nasalanta sa Japan dahil sa pagkasira ng mga kalsada at tulay patungo sa kanilang lugar.

Sa Wajima City na lang na nagkasunog, aapat na fire-truck lamang ang nakaresponde dahil naharang ang ibang mga bumbero na nais tumulong.

Hayun, naubos sa apoy ang tahanan ng nasa 33,000 pamilya sa lugar, kasama ang mga condominium na matataas na gusali.

Pero kahit may makapasok na bumbero, problema ang kawalan ng tubig sa maraming lugar dahil sa pagkaputol ng mga linyang-tubig.

Walang maikakarga at maibubuga ang mga bumbero.

Hindi rin  imposibleng maganap ito sa Mega Manila pagdating ng The Big One mula sa West Valley Fault.

Gaano na kahanda ang ating mga awtoridad sakaling magkaputol-putol ang linya ng tubig at magkakaroon ng sunog dahil sa pagkalagot ng mga linya ng kuryente at daragdagan ng pagputok ng tangkeng liquefied petroleum gas?

Paano na lang kung maganap ang lindol sa gabi na mamamatay ang lahat ng ilaw, mawala ang suplay ng tubig, guguho ang mga gusali at magkabitak-bitak ang mga lupa at babagsak o tataas ang isa sa magkabilang panig?

Previous articleMILAGRO SA NASUNOG NA EROPLANO
Next articleP50 minimum fare sa modern jeepneys, ibinabala ng grupo