MAITUTURING na milagro ang pagkakaligtas ng nasa 379 pasahero at crew nang ganap na nasunog na pampasaherong eroplano sa Haneda Airport, Tokyo, Japan nitong Enero 2, 2024.
Akalain ba nating nakaligtas ang lahat sa halip na malitson ang mga pasahero at crew nang ganap na magtulungan ang lahat upang walang mamamatay o masaktan.
Ang bilin sa mga pasahero ng mga piloto at crew, walang kukunin na gamit mula sa mga cabinet o anomang bagay sa loob ng eroplano kundi maghanda para lumabas sa eroplano gamit ang tatlong emergency door na binuksan makaraang tumigil ang lumiliyab nang sasakyan.
Ang emergency doors ay walang hagdan kundi maitutulad sa isang slide na paglabas mo sa eroplano, diretso ka sa lupa.
Nauna rito, nabangga pala ng nasunog na Japan Air Lines, flight 516, Airbus 350-900 ang isang maliit na eroplanong gamit ng Japan Coast Guard na nasa linya nang babaan ng una.
Namatay ang limang pasahero ng De Havilland Canada DHC-8 habang nasa kritikal na kondisyon ang piloto nito na pawang kumikilos para sa pagliligtas ng mga biktima nang katatapos lang na magnitude 7.6 na lindol sa lugar.
Naramdaman ng mga pasahero ang banggaan at dito na nagsimulang pumasok ang usok sa loob ng Japan Air Lines.
Namatay ang sound system ng eroplano kaya gumamit ang mga crew ng megaphone para bigyan ng instruksyon kung ano ang gagawin sa paglabas nang mabilisan ang mga pasahero.
Sabi ng mga awtoridad, kung nanghinayang lang ang mga pasahero sa kanilang mga kagamitan gaya ng mga laptop at maliliit na kargada na naging harang sa mga daanan ng mga pasahero, iba na sana ang usapan sa kaligtasan.
Naging mahalaga ang bawat segundo sa paglabas ng mga pasahero at matapos na makalabas sila, lumiyab nang todo ang eroplano hanggang sa maabo ang buong katawan nito.
Magandang leksyon ang mga ginawa ng mga pasahero at crew ng eroplano na huwag mag-panic at sumunod sa mga habilin para sa kaligtasan.






