MANILA, Philippines – Binabatikos muli ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa muli nitong pahayag na maaari nang magkaroon ng simpleng Christmas dinner o Noche Buena sa halagang P500.
Dahil dito, tatlong kongresista ang nanawagan na unahin muna ang pagpapababa ng presyo ng pagkain.
Sa magkakahiwalay na pahayag nitong Biyernes, sinabi nina Bicol Saro Rep. Terry Ridon, Akbayan Rep. Percival Cendaña, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na malayo sa realidad ang basehan ng DTI sa mga presyong kailangan para sa isang Noche Buena.
Ayon kay Cendaña, posible lamang ang P500 na Noche Buena kung “makakabalik sa nakaraan.”
“Habang nalulunod ang tao sa mahal ng bilihin, nakaka-insulto ang ganitong pakulo. Mas mabuti pang gawing urgent ng gobyerno ang P200 salary increase para may panghanda ang mga manggagawa ngayong Pasko,” aniya.
Si Tinio naman ay nagsabing lalo pang nakaka-insulto ang pahayag ng DTI ngayong taon, lalo na matapos ang mga korapsyon scandals na yumanig sa bansa.
“Paano nagawa ng DTI na insultuhin ang pamilyang Pilipino sa pagsasabing sapat ang P500? Ano ’yan—noodles, itlog, at tubig?” sabi niya.
Dagdag pa niya, habang may mga contractor at kasabwat sa gobyerno na nabubuhay sa luho gamit ang pera ng bayan, sinasabihan naman ang taumbayan na magtipid. “Ito ang sukdulan ng hypocrisy at cruelty.”
Idinagdag nina Ridon at Cendaña na hindi ito unang beses na nagbigay ng ganitong pahayag ang DTI. Ayon kay Ridon, ni Filipino-style spaghetti nga ay hindi na mabibili nang maayos sa P500.
“Saang planeta sapat ang P500 para sa Noche Buena? Ginawa na ito ng DTI noon, pero ngayon mismong si DTI Secretary Cristina Roque ang nagsabi nito,” wika niya.
Ipinaliwanag pa niya na ang karaniwang Noche Buena ay may spaghetti, cheese, at minsan ham, pero sa taas ng presyo ngayon, hindi na ito kasya sa P500 lalo na kung para sa buong pamilya.
Ayon naman kay Cendaña, baka ang sinasabing P500 ay pang “imaginary family.” “Simula 2022 sinasabi na nilang sapat ang P500. Baka para sa pamilyang OMAD—one meal a day— ngayong holiday season,” aniya.
Nauna rito, sinabi ni Roque na sa P500, makakabili na raw ng ham, panggawa ng macaroni salad, at pangluto ng spaghetti.
Hindi ito unang beses: noong Disyembre 2022, sinabi rin ng DTI na sapat ang P500 para sa Noche Buena ng isang pamilyang lima ang miyembro. Ayon kay dating Trade Undersecretary Ruth Castelo, puwedeng pumili ng mas mura at mas “heavy” na produkto para makatipid, dahil minsan ang mas mabigat na items ay halos pareho lang ang presyo.
Ngunit binatikos din ito noon bilang insensitive, lalo na dahil sa mataas na presyo ng bilihin. Mismong si Sen. Imee Marcos ay nagsabing hindi Noche Buena ang kaya ng P500—kundi isang kilo ng sibuyas, dahil sa pagmahal nito noong panahong iyon. RNT/MND