Home OPINION P500 PANTASYA NG DTI CHIEF

P500 PANTASYA NG DTI CHIEF

238
0

MAY moments talaga na ang mga government official biglang nagre-reveal kung gaano sila ka-out of touch — at nitong nakaraang linggo, nagbigay si Trade Secretary Cristina Roque ng isang napakakintab na example para sa sambayanang Pilipino, advance Christmas gift kumbaga.

’Yung sikat na niyang remark na ₱500 daw ay sapat na para sa Noche Buena hindi lang sablay — insulto sa isang bansang alam na alam kung gaano lang o hanggang ano lang ang mararating ng ₱500.

Hindi alam ng karamihan ng Pinoy kung dapat ba nilang seryosohin ang kalihim o pagtawanan. Kaya ginawa nila pareho. TikTok, Facebook — kahit anong platform mula Batanes hanggang Jolo — sumabog sa memes, videos, at kung ano-anong content na tumutuligsa sa ideya. May mga netizen pa na nag-compile ng pinaka-weird, halos walang nutrisyon, pang-gutter-level na food combinations para lang patunayan na oo, pwedeng bumili ng pagkain worth ₱500… kung ang ideya mo ng “Noche Buena” ay pancit canton at SkyFlakes.

Sa kabila nito, meron ding ilang kitchen-savvy na Pinoy na sinubukang mag-assemble ng matinong meal para sa 2–4 katao. Nagawa naman — barely — pero may isang malaking caveat: sa computation nilang ₱500, assumed na may mantika, asin, asukal, paminta, at gas o kuryente na ang pamilya. In short, pilit na pinagkasya ng publiko ang budget ni Roque… by ignoring half ng totoong gastos sa totoong buhay.

At eto ang kicker: after makatanggap ng sandamakmak na batikos, pwede na sana siyang tumigil. Pwede siyang nagbasa ng mga reaksyon, umatras ng konti, at umamin na hindi maganda ang dating ng sinabi niya sa gitna nang papasok na Christmas vibes.

Pero hindi, beh. Si Secretary Roque, todo double down pa — at timing na timing sa panahong galit na galit ang bansa dahil sa kaliwa’t kanang ‘corruption issues’ sa ‘government infrastructure projects’ na para bang may nakaumang na palakol sa ulo ng Presidente.

So ayun… humarap ulit siya sa press, nag-“clarify” na ₱500 — eksakto, hindi sobra, hindi kulang — ay sapat para mabusog ang Noche Buena cravings nina Papa, Mama, at dalawang bata. As if na mauulit-ulit mo lang ang pantasya at bigla na lang magiging katotohanan.

Dito na tumalim ’yung insulto. Kasi ang narinig ng mga Pilipino, hindi guidance — kundi ‘condescension’. ’Yun na namang classic tune ng mga opisyal na ang hilig magsalita para sa mahihirap kahit never silang nabuhay nang isang araw sa reyalidad ng mga ito.

So eto ang simple at fair na challenge, Madam Secretary: Sa Bisperas ng Pasko, ipakita n’yo ang ₱500 Noche Buena table ng pamilya n’yo. Ilatag n’yo. Pakainin n’yo ang pamilya n’yo ng apat. Tapos tanungin n’yo ang sarili n’yo — sincerely, at walang camera — kung may lakas pa ba kayo ng loob i-rekomenda ang ganoon sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.

Hangga’t hindi n’yo pa naranasan, spare us your Yuletide suggestions on “thrifty feasting.”

Pinipiga na nga ng mga Pilipino ang bawat piso hanggang umiyak. Ang hindi nila kailangan ay mga opisyal ng gobyernong pinipilit silang mag-Pasko gamit ang budget na kahit sila mismo, hindi kayang tiisin.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here