IPINAAALAM ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pansamantalang ihihinto ang pagbibigay ng guarantee letters (GL) para sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) mula Disyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2025. Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, bahagi ito ng pagsasara ng accounting books ng kagawaran para sa taong 2025.
Binigyang-diin ni ASec. Dumlao na bago magsara ang accounting books ng DSWD, kailangan munang mabayaran o ma-settle ang mga service providers upang hindi pumasok ang kagawaran sa bagong taon na may mga accounts payable.
Sa kasalukuyan, may dalawang uri ng tulong ang AICS na direktang cash assistance at GLs. Para sa mga nais ng GL sa discharge ng pasyente ngayong Disyembre 2025, puwede pa ring magsumite ng promissory note para mailabas ang GL sa January 2026.
Habang ipinatutupad ang suspensyon, sinabi ni Dumlao na ang DSWD ay patuloy pa ring nagbibigay ng direktang cash assistance na hanggang Php10,000.
Binigyang-diin din ni ASec. Dumlao na taon-taon ginagawa ang proseso ng suspensyon bilang bahagi ng year-end financial closing ng DSWD.
Bukod dito, kamakailan ay pumirma ang DSWD ng kasunduan sa mga ospital, botika, diagnostic centers, therapy at learning centers, dialysis centers, at mga supplier ng medical devices at prosthesis upang palakasin ang kolaborasyon para sa mabilis at maayos na pagbibigay ng medical aid sa mga benepisyaryo mula sa mahihinang sektor.
Ang hakbang na ito ay naglalayong mapanatili ang maayos na pamamahala ng pondo at serbisyo habang pinapabilis ang tulong sa mga nangangailangan.
Ang AICS sa kasalukuyang taon ay may pondong Php44.744 billion habang ang panukala para sa 2026 ay nasa Php59.5 billion.
Sa datos ng DSWD nasa mahigit walong milyon na mga Filipino ang naabutan ng tulong ng programa.






