MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro na pag-aralan muli ang polisiya ukol sa Complete Disability Discharge (CDD) para hindi na aniya mangyari ulit na na ang isang sundalo na nasaktan dahil sa sakripisyo niya, dahil ginagawa niya ang duty niya para ipagtanggol ang Pilipinas, ay basta pagka nasaktan, ay basta bibitawan na lang.
“Hindi naman tama ‘yun. Kaya gagawa po tayo ng bagong polisiya sa CDD sa lalong madaling panahon,” ang sinabi ng Pangulo.
“Ito ay para sa lahat ng ating mga sundalo na dahil sa ka-duty nila sila’y nasaktan, sila ay nagka-injury, ay dapat naman patuloy din ang ating pagkilala sa kanilang katapangan at sa kanilang sakripisyo,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos ipag-utos Pangulong Marcos Jr., sa Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isuspinde ang Complete Disability Discharge (CDD) ng isang magiting na sundalo na si Captain Jerome Jacuba, 0-146467, Philippine Army.
At dapat bigyan si Jacuba ng promotion dahil sa katapangan nito at gawin siyang major.
Napanood kasi ng Pangulo ang isang video kung saan makikita nasabing butihing kapitan ay nabulag dahil nasabugan ng bomba. Nagdu-duty aniya ito at ito ‘yung nangyari sa kanya.
“Ngunit pagkatapos siyang nabulag ay nabigyan siya ng tinatawag na CDD or Complete Disability Discharge. Ibig sabihin, hindi na siya puwede sa military dahil nga hindi na siya puwede sa combat operation at nabulag na nga siya,” ayon sa Pangulo.
“Noong nakita ko ‘yung video niya at pinag-isipan ko ‘yung mga nangyari sa kanya, ay parang hindi tama. Dahil ito ay isang opisyal na itinaya na nga niya ang buhay niya para sa duty niya para ipagtanggol ang Pilipinas, at dahil sa ganyan ay basta’t bibitawan na lang natin. Hindi naman yata makatarungan ‘yan,” ang pahayag ng Pangulo.
Kaya nga aniya maghahanap siya ng mga iba’t ibang posisyon na puwede pa naman si Jacuba sa tinatawag na the major adaptive duties.
“Kasi kahit medyo – kahit nabulag na po, marami pa ring duty na puwedeng gawin ng isang sundalo, lalong-lalo na sa isang sundalo na may 15 years na experience. Maraming maidadagdag at maitutulong sa atin ‘yan,” ayon sa Pangulo.
“Kaya’t ito po ang pagbabago na gagawin natin. Mabuhay ka, Captain Jacuba. Ay hindi, mabuhay ka, Major Jacuba, at mabuhay ang Sandatahang Pilipinas.” Kris Jose