MANILA, Philippines – Ayon sa DTI, puwede pa ring makapaghanda ng simpleng Noche Buena sa ₱500, kabilang ang ham, pasta, at sangkap para sa macaroni salad o spaghetti. Depende pa rin ito sa dami ng kakakain, ayon kay Secretary Cristina Roque.
Ngunit sa merkado, ₱500 ay kulang. Sa isang ham shop sa Mandaluyong, ang 1/4-kilo chopped ham ay ₱425 at sliced ham ay ₱463. Tumaas rin ang buong Christmas ham mula ₱1,620 noong nakaraang taon, ngayon ay ₱1,690.
Maraming mamimili sa Blumentritt Market ang nagsabi na mas realistic ang budget na ₱1,500–₱2,000 para sa Noche Buena dahil mahal na ang bilihin.
Upang gabayan ang mga mamimili, naglabas ang DTI ng 2025 Noche Buena Price Guide na may presyo ng ham, spaghetti, pasta sauce, queso de bola, fruit cocktail, at mayonnaise. Sinabi rin ni Roque na walang itataas na presyo ng basic commodities hanggang katapusan ng taon, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr., upang maibsan ang gastusin sa Pasko. RNT/MND