Home OPINION P500B SUPER PONDO VS SUPER BAGYO, BAHA

P500B SUPER PONDO VS SUPER BAGYO, BAHA

KARANIWAN na sa atin ang pagdating ng malalakas na bagyo at super bagyo at super baha.

Sa 20 bagyong dumarating sa atin taon-taon, laging may nakasisingit na mga bagyong ito.

Kabilang sa mga super bagyong dumating si Yolanda na may lakas na hanging 350 kilometro kada oras at pumatay ng nasa 6,000-8,000 noong Nobyembre 2013.

Bago nito, sumalakay rin si Pablo sa Mindanao na may hanging 280 kilometro kada oras at pumatay ng 1,067 katao noong Disyembre 2012.

Sa Luzon noong Nobyembre 2020, sinalakay naman ni Ulysses na may hanging 205 kilometrong kada oras na hangin ang Cagayan Valley na pumatay ng 73 katao.

Si Ondoy na nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila at Bulacan na ikinamatay ng mahigit 700 tao noong Setyembre 2009 ay may 165 kilometro kada oras na hangin.

Naging mabagsik ang dalang ulan ng mga ito at nagbunga ng mga katakot-takot na baha at landslide na pangunahing sumira sa buhay at ari-arian.

Naging kaiba lang si Yolanda na lumikha ng storm surge o alon na umabot sa taas na pitong metro na sumalakay at sumira sa bawat bahay na nadaanan nito.

ANG MGA TUGON

Lumitaw na wala tayong kalaban-laban sa mga mapanirang pwersa ng kalikasan, lalo na sa baha.

Kaya laging ang pagbabakwit sa mga evacuation center o sa inaakala nating lugar na ligtas ang isa sa mga pangunahing ginagawa.

May paghahanda rin ng mga kailangan ng tiyak na magugutom, mauuhaw at magkakasakit sa kung ilang araw, kasama na ang mga stranded sa mga pier, paliparan at iba pa.

Makaraan nito, naririyan ang iba’t ibang uri ng rehabilitasyon.

Halimbawa sa mga nasiraan o nawalan ng bahay sa lakas ng hanging ng mga bagyo o giniba ng mga landslide o inanod ng mga baha.

Ginagawa rin ang pag-ayuda at pag-alalay sa mga namatayan at nawalan ng ikabubuhay.

Marami ngang pagkakataon na nauubusan ang mga lokal na pamahalaan ng mga pondo laban sa mga kalamidad kaya tumatakbo na ang mga ito sa pambansang pamahalaan para sa ayuda.

Ang mga mamamayan, indibiduwal man o organisasyon,kumikilos din.

P500 B KONTRA-BAHA NASAAN

Malaking halaga ang P500 bilyong pondo laban sa bagyo at baha sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa laki ng halaga nito, maituturing din itong super bagyo na pondo laban sa mga super bagyo at super baha.

Pero nasaan ang mga proyekto na ginagastusan ng taumbayan sa bisa ng kanilang mga buwis?

Ang masakit pa, ginawang katawa-tawa si Pang. Bongbong ng mga alipores nito sa pagbulong sa kanya ukol sa mga epektibong proyektong laban sa baha.

Makaraan ng isa-dalawang araw, sumalakay ang mga baha ni bagyong Carina sa Pinas at sinabi ng mga alipores na kay ex-Pang. Digong Duterte pala ang mga proyekto.

Super bagyo at super baha kung mambola ang mga nasa pamahalaan sa mga mamamayan ukol sa mga bagyo at baha.