MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa mahigit P500 milyong halaga ng mga ismagel na bigas mula Myanmar, Pakistan, at Thailand ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Bocaue, Bulacan nitong Disyembre 16, 2024.
Ayon sa BOC, libo-libong sako ng mga bigas ang nadiskubre ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na pinamumunuan ni Director Alvin Enciso na pawang mga walang kaukulang dokumento na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga ito.
Sinabi ng BOC na matagal nang minamanmanan ang lugar dahil sa mga ulat na iligal umano itong nag-iimbak ng mga bultong smuggled na bigas.
Matapos ang ilang araw ng surveillance at sa ilalim ng BOC Letter of Authority (LOA), ni-raid ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pangunguna ni CIIS Director Enciso ang bodega.
Agad na isinara ng CIIS ang bodega at nagsagawa ng imbentaryo habang patuloy ang imbestigasyon ng BOC.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa customs law para sa pagsasampa sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga consignee ng mga smuggled rice at warehouse operators/owners.
Ang naturang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bong-bong Marcos Jr. na higpitan ang mga hangganan laban sa agricultural smuggling partikular ang bigas kung saan magsasagawa ng pagbisita ang mgabtauhan ng BOC CIIS ng Manila International Container Port sa ilang bodega sa Bocaue. JR Reyes