MANILA, Philippines- Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit P54 milyong halaga ng umano’y mga pekeng produkto na may kilalang brand sa operasyon sa tatlong lungsod sa Metro Manila.
Sa pahayag ng NBI, ikinasa ng mga tauhan ng Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang operasyon sa Manila, Malabon, and Paranaque kung saan isinilbi ang search warrant kasunod ng reklamo na inihain ng Quisumbing Torres Attorneys at Law sa ngalan ng kanilang kliyenteng Oakley, at Lee Bumgarner Inc. (LBI) para sa Gucci at Yves Saint Laurent (YSL).
Sa mga operasyon, sinabi ng NBI na nakuha ng mga ahente ng IPRD ang 1,083 piraso ng pekeng produkto ng Oakley na nagkakahalaga ng P3,556,500 mula sa AJS Online at Sarigayao Online Store sa Paranaque City noong Mayo 6.
Noong nakaraang Mayo 7, sinabi nitong ipinatupad ang mga search warrant laban kay John Elegant Leather Bags and Accessories, M.M. Variety Story, Buyme Bags and Accessories Store, at Azriel Variety Store sa Binondo Manila pati na rin ang isang bodega sa Malabon City.
Nasamsam sa mga operasyon ang 1,024 piraso ng mga pekeng produkto ng Gucci at YSL na nagkakahalaga ng P51,464,470, sinabi rin nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden