MANILA, Philippines- Tinawag na “endemic” at “well-entrenched” ang pagbili ng boto sa election setting sa Pilipinas, ng deputy chief observer ng European Union Election Observation Mission (EU EOM) noong Miyerkules, Mayo 14, habang ang paunang natuklasan ng grupo ay ang “kapani-paniwalang mga indikasyon” ng pagbili ng boto sa pamamagitan ng cash o goods.
Sinabi ni Manuel Sanchez de Nogues, ang deputy chief observer ng EOM, sa isang press conference na ang practice ng vote-buying ay naobserbahan sa Davao Oriental, Bohol, La Union, Palawan, Quezon, Siquijor, Zamboanga City, at Zamboanga del Sur provinces.
Ito ay kahit na binanggit ng observers ang pagsisikap ng Commission on Elections (Comelec) na tugunan ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng mga regulasyon at mga hakbangin, kabilang ang pagbuo ng isang dedikadong task force na pinangalanang “Kontra Bigay.”
Sa 98 naobserbahang mga kaganapan sa kampanya, sinabi ng EU EOM na nasaksihan nila ang hindi bababa sa limang pagkakataon ng pagbili ng boto.
Bukod sa talamak na vote-buying, ang EU EOM ay nag-ulat din ng mga pamilyang nasa politika na nangingibabaw sa lokal na halalan.
Sinabi ng EU EOM na ang karahasan sa elektoral ay patuloy na isang “paulit-ulit na tampok” sa mga halalan sa Pilipinas, kung saan ito ay ipinapakita “sa pamamagitan ng pananakot, panliligalig at marahas na mga insidente na nagta-target sa mga kandidato, kanilang mga tagasuporta at mga administrador ng halalan.” Jocelyn Tabangcura-Domenden