Home NATIONWIDE P5B Marawi compensation na pangako ng DBM tiniyak ng solon

P5B Marawi compensation na pangako ng DBM tiniyak ng solon

299
0

MANILA, Philippines- “Kung tutupad ang pamahalaan sa pangakong itataas ang Marawi Compensation Fund sa P5 bilyon sa susunod na taon, malaking tagumpay ito para sa biktima ng Marawi Siege na naghintay ng mahigit anim na taon para maitayo ang kanilang mga nasirang tahanan.”

Ito ang pahayag ni Basilan Rep. Mujiv Hataman kasabay ng pangako ng Department of Budget and Management na itataas ang Marawi Compensation Fund mula sa P1 billion ay gagawing P5 billion para sa 2024.

“Nakakuha tayo uli ng commitment sa DBM na gagawin nilang P5 billion ang pondo para sa biktima ng Marawi Siege para sa pagpapatayo ng kanilang mga tahanan. Sana naman ay tuparin nila ito, para sa ikagagaan ng kalooban ng marami sa ating mga kababayang taga-Marawi,” pahayag ni Hataman.

“Hindi talaga kasya ang P1 bilyon sa isang taon. Tandaan natin, limang taon lang ang binigay natin sa Marawi Compensation Board (MCB) para matapos ang pagbabayad sa mga biktima sa Marawi. Kaya mahalaga na madagdagan ang pondong kanilang ipapamahagi,” paliwanag pa ng mambabatas.

Sa datos ng MCB ay nasa 4,762 na ang claims na naisumite na aabot sa P17.46 billion, ani Hataman, lubhang mababa ito sa P1 billion kada taon na pondo.

Samantala, una nang inihayag ng DBM na naitakda na nito ang pagpapalabas ng P1 billion pondo para sa 362 claimants.

Sinabi ni Hataman na hindi sapat ang P1 billion subalit ang pagpapalabas ng nasabing pondo ay isa nang hakbang at nawa ay indikasyon na tuloy-tuloy nang makukuha ng mga residente ang matagal nang kumpensasyon na hinihintay.

“Hindi ito sapat, pero at least alam na nating gumugulong na ang Marawi Compensation Program. Bibigyan nito ng pag-asa ang mga nag-file ng verified claims na hindi na ito kwestyon kung mababayaran ba sila o hindi, kundi kwestyon na lamang ng kung kailan,” paliwanag ni Hataman.

“At kung maitataas nga sa P5 bilyon ang pondo, mas maraming mabibiyayaan sa susunod na taon. Mas marami na ang makakapagtayo ng kanilang mga tahanan. Konting tiis na lang at maaari na tayong bumalik sa normal sa Marawi,” pagtatapos ni Hataman. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here