MANILA, Philippines – Sa patuloy na pagsasagawa ng interdiction operation ng mga tauhan ng Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) ay walo na namang abandonadong parcel ang kinumpiska na naglalaman ng iba’t-ibang uri ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P6.1 milyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Biyernes ng umaga, Marso 6.
Base sa inisyal na report ng IADITG, kinumpiska ng mga operatiba ng IADITG ang walong abandonadong parcel bandang alas 10:30 ng umaga sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.
Ang walong nabanggit na parcel ay naglalaman ng 1,891 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng P6,009,500; 8 gramo ng hinihinalang cocaine na halagang P42,400; at 14 gramo ng hinihinalang ketamine na may katumbas na halagang P70,000 kung saan ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay may kabuuang halaga na P6,121,900.
Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa ng PDEA laboratory upang sumailalim sa laboratory examination.
Ang IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan)