MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang P600 milyon na halaga ng expired na frozen meat mula sa isang cold storage warehouse sa Meycauayan, Bulacan.
Sa pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI), nadiskubre ang mga nabubulok at inaamag na imported meat na hindi na ligtas kainin.
Ayon sa isang impormante, nire-reprocess ng kompanya ang expired na karne—ang ilan ay mula pa noong 2020—sa pamamagitan ng pagpapalit ng expiration dates at paggawa ng siomai at hotdog gamit ang mga panis na produkto.
Kinumpirma ng NBI na ang ilan sa karne ay may amag, itim na batik, at inu-uod na.
Itinanggi ng legal representative ng kompanya ang mga paratang, ngunit inutos na ng NBI ang agarang pagtatapon ng mga nakumpiskang karne. Nahaharap ang kompanya sa posibleng kaso sa ilalim ng Consumer Act at Food Security Act. RNT