Home NATIONWIDE Walang ‘state kidnapping’ kay Digong – Malakanyang

Walang ‘state kidnapping’ kay Digong – Malakanyang

MANILA, Philippines – HAYAGANG itinanggi ng Malakanyang ang paratang ni Vice President Sara Duterte na ‘state kidnapping” ang ginawang pagbiyahe kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte patungo sa The Hague na nahaharap sa kasong “crimes against humanity of murder.”

“Unang-una po, paano po magiging kidnapping kung may warrant of arrest? It was issued by an authority, by the court. Kapag ka meron nang issuance ng anumang order from the court, we have to comply,” ang sinabi ni Palace Press Officer a Undersecretary Claire Castro.

“Wala po akong nakikitang kidnapping dahil hindi nga po ito pwersahan at lahat po ng elemento na dapat pong gamitin para masabing valid ‘yung warrant of arrest at ‘yung paghingi ng assistance ng Interpol ay nandidiyan na po. Kumpleto po tayo,” aniya pa rin.

Si Digong Duterte ay nasa The Hague kasunod ng pag-aresto sa kanya ng International Criminal Court kaugnay sa kanyang kontrobersiyal na paglansag sa ilegal na droga.

Sa ulat, tinawag ni VP Sara na ‘state kidnapping’ ang pagbiyahe kay dating Pangulong Duterte patungo sa The Hague.

“Sinasabi ko sa inyong lahat Pilipino kayo ‘wag kayong pumayag na ang isang Pinoy ibigay sa sa mga dayuhan lalo na pag labas na sa batas ‘yun. This is actually some sort of state kidnapping. Parang ganyan na nangyayari,” pagbabahagi ni Duterte sa media.

“And all because mukhang matatalo sila midterm elections dahil ang lakas ng vote straight sa ating candidate sa PDP Laban,” dagdag ng Bise Presidente.

Matatandaan na inaresto ang dating Pangulo nitong Martes sa bisa ng warrant na inisyu ng International Criminal Court, na kalaunan ay inilipat mula NAIA patungong Villamor Air Base sa Pasay City.

Mula doon ay isinakay siya sa isang eroplano na magdadala naman sa kanya patungong The Hague kung nasaan ang ICC.

Samantala, agad na sumunod sina Vice Pres. Sara Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte sa The Hague sa The Netherlands kung saan dinala ang kanilang ama na si dating Pangulong Duterte.

Wala namang impormasyon ang Malakanyang kung nakakua ng clearance to travel abroad ang kongresista.

“Hindi po namin alam kung nakapag-clearance siya, madalas naman po yata siyang umalis nang walang clearance. I’m sorry for that, wala po tayong information on that,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose